Kanina ko pa nais na magsulat subalit ako ay pansamantalang napipigilan ng paglilinis ng bahay para sa preparasyon sa pagdating ng mga labi ni Tatay Ben. Nakaplano sa mga gagawin ko sa linggong ito na ako ay gagawa ng general cleaning para magkaroon ng malinis at maayos na titirhan si Tatay sa paglabas niya sa ospital at nang sa gayon ay komportable siya sa kanyang pagpapagaling. Hindi ko naisip na ang dati kong iniisip na excitement sa paglilinis ay mapapalitan ng bigat ng puso at napipintong pagtulo ng mga luha ko kapag naiisip kong ang paglilinis na ginagawa ko ay para na ngayon sa burol ng aming mahal na ama.
Mahigit anim na buwan na ako sa tahanang ito subalit hindi ako nakaramdam ng adjustment na sinasabi ng ilan lalo na't kasama ko sa aking bagong tahanan ang mga in-laws ko. Sabi ng iba na mahirap kasama sa iisang bubong ang in-laws. Mapalad ako at siya ko ngang ipinagpapasalamat sa Diyos na ako'y ipinabilang niya sa pamilya Rosario at sina Tatay Ben at Nanay Eliang ang in-laws ko.
Anim na buwan ang niloob ng Diyos na ibigay sa akin para makasama si Tatay. Nang masabihan ako kagabi na ihanda na ang aming mga sarili sa hindi na pagtagal ng buhay ni Tatay, iniisip kong kulang pa ang anim na buwan para magabayan niya ako sa mga dapat kong gawin dito sa bahay. Kakaunting tips pa lang sa pagluluto ang naibabahagi nila sa akin. Kakaunti pa lang ang mga nabilin nilang dapat isaalang-alang na gawain dito sa bahay. Subalit nang mabalitaan kong sila ay pumanaw na, aking nasambit na lang na ang anim na buwan sa mata ng aking infinite wise GOD ay sapat na.
Naisip ko rin noon na ang aming magiging anak ni Bernard ay mapapalaki katulad ng pagpapalaki nila sa aking asawa lalo pa't kami ay nasa poder nila. Ang kanilang pagpanaw ay may panghihinayang sa aking puso dahil hindi na mararanasan ng magiging anak ko ang nasaksihan kong pagmamahal ng isang Lolo sa kanyang mga apo. Subalit marunong pa rin ang Diyos at sino ako para pangambahan ang kinabukasan ng aking anak. Anak ni Tatay Ben ang aking asawa. Marunong ang Diyos at alam kong ito ang perpektong oras para sa Kanya para mawalay na sa amin si Tatay.
Salamat sa Diyos sa anim na buwang nakapiling ko si Tatay. Wala na akong kahalili sa pagluluto. Wala na ang nagturo sa akin ng maraming bagay sa loob ng anim na buwan. Wala na ang magpapaalala sa aking asawa na ako ay sunduin na sa aking eskuwelahan. Wala na ang magagalit sa akin kapag ako ay magtatrabaho na kahit naka-uniform pa. Wala na ang magsasabing magpahinga muna ako. Wala na ang amang kahit siya ang naunang kakain ay pipiliin ang buntot ng bangus para hindi matinik ang sa kanyang mga anak. Wala ng matiyagang magtatrabaho kahit may dinadamdam. Wala na ang karagdagang ama na ibinigay ng Diyos sa akin. Purihin ang Diyos pa rin sa pagbibigay ng isang Tatay Ben sa akin.
Kulang ang isang blog post para banggitin ang lahat ng pag-ibig, pag-aaruga, at pagtuturo na ipinadama ng Diyos sa akin sa loob lamang ng anim na buwan sa pamamagitan ni Tatay Ben. Dakilain ka, O Diyos dahil napakarunong Mo. Alam na alam mo kung kanino ako matututo nang lubos sa loob lamang ng anim na buwan. Salamat, Panginoon sa buhay ni Tatay Ben.
Sa kabila ng pagdadalamhati, ako'y mapalad na mapabilang sa pamilyang yumayakap at nagagalak (bagamat mga iyakin ang nakapaligid sa akin) sa kalooban ng Diyos. Wala nang mas mainit pa na encouragement kundi ang makitang kaluwalhatian pa rin ng Diyos ang sigaw ng mga naulila. Ang kantang kalakip ng post na ito ay nagagamit namin noon tuwing kami ay makikilahok sa Bible Quiz subalit sa araw na ito, tunay ngang nangungusap sa akin at sigaw ito ng aking damdamin. Nawa ay makapagbigay rin ito ng aliw sa mga nakikidalamhati sa amin.
0 comments:
Post a Comment